Naitala ang muling pagkaantala ng isinusulong na ceasefire deal sa Gaza bunsod ng hindi pagkakasundo ng mga partido hinggil sa lawak ng pag-urong ng mga puwersang Israeli mula sa Palestinian enclave.

Ayon sa mga ulat mula sa Israel at Palestine, nagpapatuloy pa rin ang hindi direktang negosasyon sa Doha, Qatar, para sa isang 60-araw na tigil-putukan na unang iminungkahi ng Estados Unidos noong nakaraang Sabado.

Bagamat umaasa si U.S. President Donald Trump sa pag-usad ng mga usapan, tila mas humihirap ang kalagayan matapos masangkot ang Israeli forces sa isang mass shooting incident. Ayon sa mga medics sa Gaza, hindi bababa sa 17 katao ang nasawi matapos pagbabarilin umano ng mga tropang Israeli habang ang mga biktima ay nasa isang aid distribution point upang kumuha ng pagkain.

Sa ulat ng United Nations, umaabot na sa 800 katao ang nasawi sa kaparehong mga sitwasyon sa loob lamang ng anim na linggo. Ayon sa mga saksi, tinamaan sa ulo at katawan ang mga biktima. Nakumpirma rin ito ng isang reporter mula sa Reuters na personal na nakakita sa mga labi ng mga biktima na nakabalot sa puting shroud sa Nasser Hospital habang nagluluksa ang mga kaanak.

Inamin naman ng militar ng Israel ang insidente ngunit iginiit nilang warning shots lamang ang kanilang pinakawalan at wala silang nakitang tinamaan mula rito.

Samantala, patuloy ang dayalogo ng mga delegasyon mula sa Israel at Hamas sa Qatar upang maabot ang kasunduan para sa unti-unting pagpapalaya ng mga bihag, pag-urong ng mga tropang Israeli, at pag-uusap tungkol sa posibleng wakas ng digmaan.

Iginiit ng Israel na ang pagkaantala sa kasunduan ay bunsod ng pagtanggi umano ng Hamas sa mga panukalang pag-alis ng Gaza. Ngunit ayon sa Hamas, nais lamang nilang bumalik sa mga teritoryong dating napagkasunduan sa mga nakaraang usapan.

Ang insidente ng pamamaril sa Rafah nitong Sabado ay itinuturing na pinakabagong trahedya sa gitna ng krisis, kung saan nasawi ang ilang sibilyan habang desperadong kumukuha ng pagkain.

Matatandaang inilunsad ng Israel ang bagong sistema ng pamamahagi ng ayuda noong Mayo, katuwang ang Estados Unidos. Binabantayan ito ng mga tropang Israeli upang pigilan ang pagsasamantala ng mga militante, ngunit kinukuwestiyon ito ng United Nations dahil sa panganib na kinakaharap ng mga sibilyan.

Samantala, libu-libong Israeli ang nagtipon sa Tel Aviv upang ipanawagan ang agarang pagpapalaya sa mga natitirang bihag at ang tuluyang pagtatapos ng madugong digmaan.