Dalawa ang nasawi habang apat pa ang isinugod sa ospital matapos malason sa pagkain ng isdang butete sa bayan ng Olutanga, ayon sa ulat ng pulisya nitong Sabado.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Mary Joy Gumata at Repsine Galliner, parehong 15 taong gulang.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang apat na iba pa: sina Jerome Gumata, 44; Joash, 13; at dalawa pang biktima na kinilala lamang sa pangalang Chrisel at Edmundo.

Batay sa imbestigasyon ng Zamboanga Sibugay Police, nahuli ni Galliner ang isang malaking isdang butete na dinala niya sa pamilya Gumata upang iluto at pagsaluhan.

Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto matapos kainin ang isda, nagsimula nang makaranas ng pananakit ng tiyan, matinding pagkahilo, pamamanhid ng katawan, pagsusuka, at matinding diarrhea ang mga biktima.

Ayon kay Eduardo Gumata, ama ng ilan sa mga batang biktima, nadatnan niya ang mga ito na namimilipit sa sakit kaya agad silang isinugod sa pagamutan.

Idineklarang dead-on-arrival sina Galliner at Mary Joy, habang inilipat sa ibang ospital ang apat pang nalason.

Ayon sa mga eksperto, ang butete ay naglalaman ng tetrodotoxin, isang matinding neurotoxin na lubhang mapanganib at nakamamatay sa tao kahit sa maliit na dami lamang kung mali ang preparasyon o pagluluto.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na iwasan ang pagkain ng mga delikadong uri ng isda tulad ng butete, lalo na kung walang sapat na kaalaman sa tamang pagproseso nito.