Target ni Senate Finance Committee chairperson Sherwin Gatchalian na ang pondo para sa sektor ng edukasyon sa 2026 ay umabot o lumampas pa sa katumbas na apat na porsyento ng gross domestic product o GDP, alinsunod sa internasyonal na pamantayan.
Giit ni Gatchalian, gagawin niya ang lahat ng paraan upang maisakatuparan ito bilang hakbang sa pagtugon sa krisis sa edukasyon.
Paliwanag niya, bibigyang-prayoridad ang edukasyon nang hindi isinasantabi ang ibang sektor.
Ayon sa mambabatas, ang panukalang ₱6.793 trilyong badyet para sa susunod na taon ay tututok sa pagpapalakas ng literacy at numeracy mula kindergarten hanggang Grade 3, pagpapatuloy ng Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program, at pagbabalik ng cost-sharing scheme sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Plano rin ang pag-hire ng mas maraming teacher aides upang maibsan ang non-teaching tasks ng mga guro.
Matagal nang panawagan ng mga guro ang pagtaas ng pondo sa edukasyon ng hindi bababa sa 4% ng GDP, na minsang kinuwestiyon dahil sa pagsama ng budget para sa military at police academies.