Patay ang hindi bababa sa apat katao at sugatan ang walo matapos salakayin ng isang dating U.S. Marine ang isang simbahan sa Michigan, kung saan binangga niya ang gusali gamit ang sasakyan, namaril gamit ang assault rifle, at sinunog ang loob nito bago mapatay sa engkwentro ng pulisya.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Thomas Jacob Sanford, 40 anyos, mula Burton, Michigan, na dati nang nagsilbi sa U.S. Marine at beterano ng Iraq war.
Ayon sa pulisya, sinadya nitong sunugin ang Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, na tuluyang nilamon ng apoy at usok.
Dalawa agad ang namatay sa pamamaril habang walo ang isinugod sa ospital. Ilang oras matapos ang insidente, natagpuan pa ang dalawa pang bangkay sa nasunog na gusali, at sinabing maaaring mayroon pang hindi natutukoy na biktima.
Sinabi ni Grand Blanc Township Police Chief William Renye na mahigit isang daan ang nasa loob ng simbahan nang mangyari ang pag-atake.
Dalawang pulis ang agad rumesponde at nakipagpalitan ng putok, at napatay ang suspek sa paradahan walong minuto matapos magsimula ang insidente.
Ayon sa U.S. Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms and Explosives, pinaniniwalaang gumamit si Sanford ng gasolina bilang accelerant upang mabilis kumalat ang apoy.
Nakarekober din ng ilang eksplosibo sa lugar. Itinuturing ng FBI ang kaso bilang “act of targeted violence.”
Kasabay nito, isa pang beteranong Marine na 40 anyos at nagsilbi rin sa Iraq ang nasangkot sa pamamaril sa North Carolina, 14 oras bago ang insidente sa Michigan.
Kinilala ang suspek bilang si Nigel Max Edge, na umano’y namaril mula sa bangka papunta sa isang bar at ikinasawi ng tatlo habang lima ang sugatan. Nahaharap ito sa kasong multiple murder at attempted murder.