ILOILO CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) matapos mapasama ang pangalan ng apat na pulis sa Lungsod ng Iloilo sa blue book ng mga nahuling drug pusher.
Kasunod ito ng pagkakadakip sa mag-live-in partner na sina Jackie Lou Espinosa at Tisoy Barrido Hansinal ng Barangay General Hughes, City Proper, kung saan nakuha sa posisyon ng mga ito ang blue book na naglalaman ng pangalan ng kanilang mga katransaksyon sa iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Chief Inspector Aldrin Lamera, hepe ng Police Station Number 1, sinabi nito na malawak ang saklaw ng operasyon nina Espinosa at Hansinal kung saan umaabot sa mahigit P100,000 ang bawat transaksyon ng mga ito.
Sa kanilang blue book, nakalagay ang mga alyas at contact numbers ng mga pulis na itinago lamang sa mga pangalang Tabs, Colacion Gonzaga at Polmo.
Kinumpirma naman ng hepe na dati nitong mga tauhan sina Colacion at Gonzaga at dating nakatalaga sa Police Station Number 1 ng Iloilo City Police Office.