Patay ang 45 Indian pilgrims matapos masunog ang bus na kanilang sinasakyan habang papalapit sa lungsod ng Medina sa Saudi Arabia.

Ayon sa ulat, 46 ang kabuuang bilang ng mga sakay ng bus at agad na dinala ang mga nakaligtas sa intensive care unit. Gayunman, hindi na naisalba ang karamihan sa kanila.

Karamihan sa mga biktima ay mula sa Hyderabad sa Southern Telangana State. Nagmula ang grupo sa Mecca at patungo sana sa Medina nang mangyari ang trahedya.

Ang mga pilgrims ay nasa Saudi Arabia para sa Umrah pilgrimage, isang mas maikling bersyon ng Hajj na ang itinuturing na pinakamalaking Islamic pilgrimage.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Indian Prime Minister Narendra Modi sa mga pamilyang naiwan ng mga biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.