Posibleng tumaas ang presyo ng bigas sa susunod na mga linggo matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng rice importation sa loob ng 60 araw simula Setyembre 1, 2025.
Ayon sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement lead convenor Rowena Sadicon, inaasahan ang dagdag-presyo ng P1 hanggang P2 kada kilo sa retail rice bunsod ng pagtaas din ng presyo ng palay sa mga magsasaka.
Ipinahayag ng Malacañang na ang suspensyon ay batay sa rekomendasyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. Samantala, tinuligsa ng Federation of Free Farmers ang umano’y mabagal na aksyon ng pamahalaan para sa proteksyon ng lokal na magsasaka, na ilan ay nalubog na sa utang at nagdadalawang-isip kung magtatanim pa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority nitong Hulyo 2025, ang average presyo ng regular milled rice ay nasa P41.31 kada kilo mula P50.90 noong Hulyo 2024; well-milled rice, P47.60 mula P55.85; at special rice, P56.83 mula P64.42 kada kilo.
Bagaman bumaba ang presyo nitong mga nakaraang buwan dahil sa base effects at mas mababang import tariff, maaaring mag-iba ang trend kapag nag-umpisa na ang suspensyon ng importasyon.