ILOILO CITY – Naaresto ng mga pulis ang itinuturing na right hand ng pinaslang na drug lord na si Melvin Odicta Sr.
Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto ng mga otoridad si Rolando Torpio alyas Apa at Striker sa Villa, Arevalo, Iloilo City kagabi.
Si Torpio ay itinuturing din na sub-leader ng Odicta Drug Syndicate Group.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ni Torpio na noong aktibo pa ito sa kalakalan ng iligal na droga ay kumukuha ito ng supply kay Odicta ngunit itinanggi na kanang kamay ito ng drug lord.
Bagamat inamin nito na dati itong driver ng taxi ng mga Odicta, sinabi ni Torpio na walang katotohanan ang impormasyon na sub group leader ito ng sindikato ng iligal na druga.
Pinanindigan naman ni Torpio na determinado na umano itong magbagong buhay at susuko sana sa otoridad ngunit naunahan lamang na silbihan ng warrant of arrest.
Dagdag pa ni Torpio, sa Pasay City sa Metro Manila ito nagtago at hiniling sa otoridad na huwag nang idamay pa ang kanyang pamilya.