Arestado ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng karahasan sa loob ng tahanan matapos isumbong ng kanilang mga asawa sa pulisya.
Unang naaresto si alyas “Dro,” isang lalaki umanong nasa impluwensiya ng alak, matapos na walang habas na magpaputok ng baril sa Brgy. Poblacion bandang alas-10 ng gabi.
Agad rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa kanyang live-in partner.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang Caliber .45 Norinco pistol na may lamang magazine, 12 bala, isa pang magazine na may 10 bala, fired cartridge case, magazine pouch, at holster.
Samantala, bandang alas-4 ng hapon naman sa Brgy. Sta. Cruz, nadakip si alyas “Ruel” matapos umano nitong sakalin at takutin ang kanyang asawa gamit ang isang baril.
Agad na kumilos ang pulisya sa nasabing reklamo at nadakip ang suspek. Nakuha mula sa kanya ang isang cal. 38 revolver at isang gun replica.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang lalaki sa istasyon ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang mga kaso laban sa kanila, kabilang na ang ilegal na pagdadala ng baril at pananakit sa kanilang mga asawa.