Sinibak ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang hepe ng pulisya ng isang lungsod sa Rizal dahil sa umano’y kapabayaang ipinakita sa paghawak ng kaso ng pagnanakaw—na tila baga’y “natulog sa duty.”

Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Camp Crame nitong Lunes, Hunyo 30, ibinunyag ni Torre ang insidente kung saan pinauwi lamang umano ng mga pulis ang isang negosyanteng naghain ng reklamo laban sa dalawang empleyado na bigla na lang naglaho, kasama ang kalahating milyong piso ng kompanya.

“Hindi ito ang klase ng serbisyo publiko na dapat ipinapakita ng ating mga pulis,” giit ni Torre. “Hindi natin palalampasin ang mga tamad at pabaya sa kanilang tungkulin.”

Kasunod ng agarang aksyon mula sa mas mataas na opisina, naaresto ang dalawang suspek sa isang lalawigan sa Negros Island Region at narekober ang humigit-kumulang P500,000 halaga ng nawawalang pera.

Hindi na isinapubliko ang pangalan ng sinibak na hepe, ng negosyante, at ng mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.