Isang 15-anyos na Grade 11 student ang sugatan matapos saksakin ng kapwa estudyante sa loob ng paaralan, matapos umanong matakot ang batang suspek na hindi niya kayang tapatan sa suntukan ang biktima.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Toto”, isang estudyante sa San Joaquin School of Fisheries.
Ayon kay Police Captain Chrysler Jhon Ledesma, hepe ng San Joaquin Municipal Police Station, nagwawalis umano sa garden si Toto nang lapitan ng 13-anyos na suspek na tinuturing umanong “bully” sa paaralan.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan.
Dahil mas malaki umano ang biktima, posibleng naisip ng suspek na hindi siya uubra, kaya habang nagtutunggali sila ay bigla na lamang niyang sinaksak si Toto gamit ang kutsilyong dala niya sa kanyang bag.
Tinamaan sa ibabang bahagi ng tiyan si Toto at agad isinugod sa ospital.
Kalaunan ay inilipat siya sa isang ospital sa Iloilo City para sa mas masusing gamutan.
Nasa pangangalaga ngayon ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ang menor-de-edad na suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon pa sa pulisya, hindi na-inspeksyon ang bag ng bata sa pagpasok sa paaralan dahil abala ang school guard sa pagtulong sa mga tumatawid na estudyante sa highway.
Samantala, kinumpirma ng Schools Division of Iloilo ng Department of Education (DepEd) na naganap ang insidente noong Hulyo 2, habang abala ang mga Grade 10 students sa paglilinis ng garden at dumating ang ilang Grade 9 learners, kung saan nagsimula ang gulo.
Ayon kay DepEd-Iloilo spokesperson Leonil Salvilla, agad silang nakatanggap ng ulat mula sa paaralan at nagtulungan na ang San Joaquin Municipal Police at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para masigurong naipapatupad ang Child Protection Policy ng DepEd.
Ipinabatid ni Schools Division Superintendent Dr. Ernesto Servillon na agad silang nagpadala ng psychosocial support, nagpatupad ng Alternative Delivery Modes (ADM) para hindi maapektuhan ang pag-aaral, at pinaiigting na rin ang seguridad sa paaralan.
Nagsagawa rin ng general assembly ang pamunuan ng eskwelahan kasama ang mga magulang sa ilalim ng PTA upang ipaalala ang school rules at palakasin ang kampanya kontra bullying at karahasang pampaaralan.