Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko laban sa isang bagong modus ng human trafficking na kinabibilangan ng mga Pilipinong ibinibyahe patungong Pakistan upang ilegal na magtrabaho sa mga online gaming hubs.
Ayon sa BI, apat na Pilipino isang lalaki at tatlong babae ang naharang kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang tinatangkang lumipad papuntang Hong Kong.
Una nilang sinabi na sila’y magbabakasyon lamang, ngunit sa isinagawang secondary inspection, inamin nilang ang tunay nilang destinasyon ay Pakistan upang magtrabaho bilang tagalinis at kusinero sa isang online gaming compound.
Ibinunyag ng mga biktima na sila ay nirekrut ng isang Chinese national, na nangakong bibigyan sila ng buwanang sahod na mula ₱35,000 hanggang ₱45,000. Pinondohan rin umano ang kanilang biyahe at sinabihang magpanggap bilang mga turista habang inaayos pa ang kanilang trabaho sa Pakistan.
“This is a deeply disturbing trend. We are now seeing victims being funneled to Pakistan for illegal online work clearly a new scheme from the same criminal playbook tied to illegal POGOs,” ayon kay BI Commissioner Joel Viado.
Dagdag pa ni Viado, “This shows how traffickers are becoming more aggressive and deceptive. These people were promised jobs, but were told to lie about their purpose of travel and wait for further instructions overseas. This modus operandi reeks of exploitation and abuse.”
Agad namang inirefer ng BI ang kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mas malalim na imbestigasyon.
Patuloy ang paalala ng BI sa publiko na huwag basta-basta magtiwala sa mga alok na trabaho sa ibang bansa, lalo na kung hinihikayat silang magsinungaling sa kanilang layunin ng paglalakbay.