Inanunsyo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magsisimula ngayong linggo ang operasyon sa paghahanap ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake.

Ayon kay Remulla, humingi na sila ng tulong mula sa Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya upang tuklasin ang lugar, matapos umanong aminin ng isa sa mga akusado na doon itinapon ang mga bangkay ng mga biktima.

Sinabi ni Remulla na mahalaga ang pagma-mapa ng lawa para maayos ang plano sa operasyon.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), may posibilidad pa ring marekober ang mga buto kung tunay na sa lawa sila ibinaon.

Samantala, hiniling na rin ng DOJ ang tulong ng Japan para sa mga advanced equipment gaya ng remotely operated vehicles (ROVs) upang galugarin ang lalim ng lawa na umaabot sa 170 metro.

Kasabay nito, sinabi rin ni Remulla na iniimbestigahan na ng Korte Suprema ang posibleng pagkakasangkot ng ilang miyembro ng hudikatura, matapos pangalanan ng suspek na si Julie Patidongan ang isang dating hukom at ilang kilalang personalidad.

Patuloy ang koordinasyon ng DOJ, PNP, NBI, at iba pang ahensiya sa imbestigasyon sa likod ng pagkawala ng higit 30 sabungero noong 2021 hanggang 2022.