Nanindigan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kahalagahan ng mapanuring pag-iisip at pagiging mapagmatyag ng mga kabataang Pilipino, bilang tugon sa panawagan ng China para sa “dayalogo at pagkakaibigan” sa kabila ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

Sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at China, sinabi ni Chinese Minister Councilor Wang Yulei, na kumatawan kay Ambassador Huang Xilian, na inaasahan ng China na ang mga kabataang Pilipino ay magiging “ambassadors of peace” o tagapagdala ng kapayapaan sa pagitan ng dalawang bansa.

“To view bilateral relations objectively and rationally, and to become messengers of friendship between our two countries,” ani Wang sa event na inorganisa ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII).

Hinimok din niya ang kabataan na “malampasan ang misinformation at prejudice upang makita ang tunay na China.” Gayunman, hindi tinukoy ng Chinese Embassy kung anong klase ng “misinformation” ang tinutukoy nito.

Bilang tugon, iginiit ng DFA na mas mahalaga ang pagiging kritikal at mapanuri sa mga isyu.

“The youth should be vigilant, focused, and develop a sharp mind and discernment of events to fight against all forms of misinformation. The DFA will continue to work with partners to strengthen resilience among our youth,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Dagdag pa ng DFA, sang-ayon naman ang lahat sa kahalagahan ng dayalogo at diplomasya, ngunit matagal na umano itong isinusulong ng mga Pilipino, hindi isang bagong panukala mula sa China.

Samantala, nananatiling mainit ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan ng teritoryo sa South China Sea, lalo na’t hindi kinikilala ng Beijing ang 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas at ibinasura ang malawak na “ten-dash line” claim ng China.

Kamakailan, kinondena ng gobyerno ng Pilipinas ang paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard laban sa isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng operasyon sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Habang pinalalakas ng China ang mga aktibidad sa social media upang akitin ang kabataan, ipinapakita ng DFA na hindi sapat ang pagkakaibigan o pag-asa lamang. Sa halip, ang kritikal na pag-unawa sa regional affairs ang dapat magsilbing gabay ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.