Inihayag ni Senador Robin Padilla na nilagdaan nina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Senador Christopher “Bong” Go ang isang resolusyong nananawagan sa agarang pagpapabalik sa bansa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.

Ayon kay Padilla, layunin ng resolusyon — na nakatakda pa lamang ihain sa Ika-20 Kongreso — na ipahayag ang “sense of the Senate” para himukin ang pamahalaan na kumilos upang mapauwi si Duterte sa Pilipinas.

Bukas din umano si Padilla sa iba pang mga senador na nais lumagda sa resolusyon sa mga susunod na araw.

Si Duterte ay inaresto noong Marso 11 sa Maynila, dinala sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) kinabukasan, at opisyal na ikinulong sa Scheveningen Prison sa The Hague noong Marso 13.

Kinakaharap niya ang mga kaso ng crimes against humanity kaugnay ng mga extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra iligal na droga.