Nangako ang Pamahalaang Hapon na magbibigay ng suporta sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa lalawigan ng Sulu para maisulong ang digital birth registration sa mga komunidad na nanganganib maging stateless o walang legal na pagkakakilanlan.

Ayon sa Embahada ng Japan sa Maynila, ang programang pinamagatang “Project for Promoting Digital Birth Registration of Populations at Risk of Statelessness in BARMM” ay naglalayong gawing digital ang proseso ng civil registration ng mga lokal na tanggapan sa rehiyon.

Kabilang sa proyekto ang mobile birth registration na ihahatid sa mga liblib at mahihirap na lugar upang mas mapadali ang pagkuha ng birth certificate, lalo na para sa mga katutubo gaya ng Sama Bajau at mga pamilyang apektado ng armadong tunggalian.

“Ang Official Development Assistance (ODA) na ito ay nagpapakita ng mataas na tiwala ng Japan sa pagpapalaganap ng human security na isinasaalang-alang ang pagkakaiba-iba ng mamamayan sa rehiyon,” pahayag ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya.

Ang proyekto ay ipinatutupad ng UNHCR (UN Refugee Agency) sa tulong ng grant mula sa Japan na nagkakahalaga ng JPY 858 milyon o humigit-kumulang USD 5.5 milyon.

Ayon sa embahada, ang proyekto ay makatutulong upang mapabilis ang pagproseso ng birth registration, lalo na sa mga batang hindi pa nairehistro mula sa mga pamilyang lumikas dahil sa gulo o karahasan sa rehiyon.

Tinatayang 130,000 unregistered individuals mula sa 50 komunidad sa mga lalawigan ng Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ang direktang makikinabang sa programa. Ayon pa kay Kazuya, aabot sa 800,000 katao ang inaasahang indirect beneficiaries sa susunod na sampung taon.

Bilang bahagi ng implementasyon, personal na iniabot ni Ambassador Kazuya ang mga sasakyan, isang motorbangka, at advocacy kits sa lokal na pamahalaan sa Bongao, Tawi-Tawi upang palakasin ang kampanya sa kahalagahan ng birth registration.