Dalawa na ang kumpirmadong nasawi sa pagsabog sa isang pabrika ng baril sa Marikina City, ayon sa kumpanyang Armscor Global Defense Inc. nitong Martes.
Ang insidente ay naganap noong hapon ng Hulyo 7 sa Ammunition Section ng planta.
Tatlong empleyado ang nasugatan sa insidente, at dalawa sa kanila ang hindi na nakaligtas.
Ang ikatlong empleyado na nasugatan ay nakalabas na ng ospital at kasalukuyang nagpapagaling na sa kanilang tahanan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Marikina City Police, isang kahon ng primer ang bigla umanong sumabog, na siyang nagdulot ng insidente.
Ang primer ay isang kemikal na ginagamit upang simulan ang pagsiklab ng pulbura sa loob ng bala.
Ang mga biktima ay agad na dinala sa Amang Rodriguez Medical Center.
Isa sa kanila ang naputulan ng parehong kamay at kalaunan ay pumanaw rin.
Ang dalawa pa ay nagtamo ng pinsala sa bahagi ng dibdib at mata.
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng kumpanya sa mga naiwang pamilya at tiniyak ang pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta.
Noong Pebrero ng nakaraang taon, isa pang pagsabog ang naganap sa storage unit ng parehong planta kung saan nakaimbak ang mga pulbura.
Nagresulta ito sa sunog.
Tiniyak ng kumpanya na sila ay sumusunod sa lahat ng lokal at internasyonal na pamantayan sa kaligtasan.
Iginiit din ng pamunuan na ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga empleyado ang pangunahing prayoridad ng kanilang operasyon.