Isang 8-taong-gulang na batang lalaki mula sa Uttaradit Province sa Thailand ang natuklasang iniwan at pinabayaan ng kanyang ina na nalulong sa droga.

Dahil dito, sa loob ng mahabang panahon, nakakasama lamang niya ang kanyang mga aso, at natutong kumahol bilang paraan ng pakikipagkomunikasyon.

Nalaman ni Paveena Hongsakul ng Foundation for Children and Women ang tungkol sa kaso ng bata mula sa isang punong-guro sa distrito ng Lap Lae.

Ayon sa ulat, dinala lang ng ina ang bata sa paaralan isang beses upang makatanggap ng benepisyo, ngunit hindi man lang siya inenrol.

Hindi rin nakaranas ng kindergarten ang bata at matagal nang emosyonal na pinabayaan ng kanyang ina at nakatatandang kapatid.

Sa kawalan ng kalinga ng tao, mga aso ang naging kaibigan at kasama niya, at natutunan niyang kumilos at kumahol gaya nila.

Nakipag-ugnayan si Hongsakul sa lokal na pulisya upang imbestigahan ang sitwasyon.

Sa kanilang pagsisiyasat, napatunayan nilang positibo sa droga ang 46-taong-gulang na ina at 23-taong-gulang na kuya ng bata.

Ayon sa pulisya, mas inuna ng dalawa ang kanilang bisyo kaysa sa kapakanan ng bata.

Ayon sa mga kapitbahay, palagi raw humihingi ng pera at pagkain ang ina.

Dahil sa matagal nang isyu sa droga, iniiwasan ng mga tao ang kanilang pamilya, dahilan upang walang batang gustong makipaglaro sa bunso.

Sa halip, sumama na lamang siya sa isang grupo ng mga aso, ginaya ang kanilang kilos, at natutong kumahol bilang pakikipag-usap.

Iniulat ng Thai newspaper na Khaosod na ang batang tinawag lamang bilang “A” upang maprotektahan ang kanyang pagkakakilanlan, ay inilipat na sa Uttaradit Children’s Home.

Doon ay tutulungan siyang matutong magsalita ng wasto at matiyak na makatatanggap siya ng tamang edukasyon at pangangalaga.