Sinuspinde na ang dalawang kadete ng Philippine Military Academy (PMA) matapos masangkot sa umano’y hazing incident na kinasangkutan ng apat na kadete, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, sa apat na nasangkot sa insidente, isa ang naabsuwelto, dalawa ang sinuspinde, at isa ang binigyan ng parusa bilang bahagi ng prinsipyo ng chain of command.
Batay sa imbestigasyon ng Baguio City Police, nakaranas umano ang biktima ng paulit-ulit na physical abuse at humiliation mula Setyembre 2 hanggang 29, 2024.
Tinukoy ng complainant ang mga nangyari bilang “animalistic tripping”, na kinabibilangan umano ng pananapak at labis-labis na physical training.
Dahil sa naranasang pananakit, naospital ang kadete matapos halos mawalan ng malay dulot ng isang malakas na suntok. Na-discharge siya sa ospital noong Hunyo 30, 2025.
Ayon sa PMA, hindi ito itinuturing na hazing sa ilalim ng Anti-Hazing Act, dahil hindi raw ito bahagi ng isang initiation process. Sa halip, ito raw ay pagpapalabas ng sama ng loob ng mga kapwa kadete dahil sa umano’y mahinang performance ng biktima.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng PMA ang opisyal na reklamo at kopya ng ulat ng pulisya upang makumpleto ang kanilang aksyon sa kaso.