Mananatiling suspendido ang klase sa sampung barangay sa bayan ng Sibalom, Antique habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng pagkalat ng hindi pa matukoy na mabahong amoy na nagdulot ng mass hospitalization sa humigit-kumulang 300 mag-aaral.

Ayon kay Mr. Hernani Escullar Jr., tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) Region 6, ang klase ay pansamantalang isasagawa sa pamamagitan ng distance modular learning upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang decontamination at safety assessment sa lugar.

Sinabi rin ni Escullar na personal na bumisita sa lugar si DepEd Regional Director Dr. Cristito Eco kasama ang ilang opisyal ng ahensiya upang tiyakin na ang mga apektadong mag-aaral ay nakatatanggap ng sapat na tulong medikal at suporta mula sa pamahalaan.

Kaugnay nito, inihahanda na rin ang mga psychosocial support services para sa mga estudyante at kanilang mga pamilya bilang tugon sa epekto ng traumatic na karanasan.

Pinuri ng DepEd ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga guro, healthcare workers, emergency responders, at mga lokal na opisyal sa agarang pagresponde sa insidente.

Matatandaang naglabas ng Executive Order si Sibalom Mayor Gian Carlo F. Occeña noong Hulyo 2 upang pansamantalang suspendihin ang klase mula preschool hanggang senior high school sa mga barangay ng Pis-anan, Mabini, Nagdayao, Bontol, Panlagangan, Igcococ, Initan, Tulatula, Calooy, at Catmon.

Batay sa ulat, isang “mass casualty incident” ang naiulat sa Pis-anan National High School at Pis-anan Central Elementary School noong Hulyo 3, matapos magreklamo ang mga estudyante tungkol sa isang kakaiba at matapang na amoy na mistulang sirang bayabas.

Kalaunan, nakaranas ang mga mag-aaral ng iba’t ibang sintomas tulad ng sakit ng ulo, pananakit ng tiyan at dibdib, pagsusuka, pagkahilo, hirap sa paghinga, at may ilang nawalan pa ng malay.

Tinatayang nasa 300 mag-aaral ang apektado sa naturang insidente.

Sinimulan na ng Department of Health (DOH) Region 6 ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang posibleng kemikal o sangkap na naging sanhi ng masamang amoy at pagkakasakit ng mga mag-aaral.

Ayon sa mga eksperto, maaaring umabot ng isang linggo bago matukoy ang eksaktong sangkap na nalanghap.

Magsasagawa rin ng ocular inspection at sample collection ang DOH para sa karagdagang pagsusuri.

Habang patuloy ang containment at verification efforts, nananatiling nakaalerto ang mga komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, lalo na ng mga kabataang mag-aaral.