Ipinahayag ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkules ang pagsampa ng hiwalay na reklamong cyberlibel sa Department of Justice (DOJ) laban sa isang abogado, limang social media personalities, at kay Michael Maurillo, na kilala rin bilang alias Rene.

Si Maurillo ang nag-iisang respondent sa isang kaso, samantalang sina Ferdinand Topacio, Bryon Cristobal (Banat By), Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Krizette “Kiffy” Chu, Jose “Jay” Sonza, at Alex Destor (Tio Moreno) naman ang mga respondents sa isa pang reklamo.

Ayon kay Hontiveros, hindi lamang ito usapin ng fake news kundi isang sistematiko at sinadyang pag-atake laban sa mga testigo at mga taong naglakas-loob ipahayag ang katotohanan kahit na may takot.

“Hindi lang po ito kaso ng fake news… ito ay sistematiko at sadyang pag-atake pati sa mga witnesses, mga taong nag lakas loob sa kabila ng kanilang takot na sabihin ang kanilang katotohanan,” ani Hontiveros.

Ang isa sa mga video na ipinalabas sa Facebook ni Maurillo ay naglalaman ng kanyang pahayag na pinilit siyang gumawa ng pahayag laban kina Duterte, VP Sara Duterte, at pastor Apollo Quiboloy.

Iginiit niya na peke ang lahat ng mga testimonya ng mga testigo sa Senate hearings.

Noong nakaraang linggo, nagsampa na rin si Hontiveros ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Maurillo at sa social media account na Pagtanggol Valiente, na siyang nag-post ng mga video nito.

Nilinaw ni Hontiveros na naniniwala siya sa kalayaan sa pananalita at pagpapahayag, ngunit hindi ito nangangahulugan na pwede nang magkalat ng kasinungalingan na naglalagay sa ibang tao sa panganib.