Inihayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang planong maghain ng mosyon upang kuwestyunin ang hurisdiksyon ng ika-20 Kongreso ng Senado sa pagpapatuloy ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dela Rosa na nais niyang linawin kung may karapatan ba ang kasalukuyang komposisyon ng Senado na ituloy ang mga hakbang na sinimulan ng ika-19 na Kongreso ng Kamara kaugnay sa kaso ng impeachment.

“Kung kaya nilang tanungin ang Kamara ng 20th Congress kung binding sila sa aksyon ng 19th Congress, dapat tanungin din natin kung binding sa atin ang kanilang mga naging hakbang,” paliwanag ng senador.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na personal niyang paniniwala na dapat ding kuwestyunin ang hurisdiksyon ng Senado. Umaasa rin siyang susuportahan siya ng kanyang mga kapwa senador mula sa Duterte bloc.

Hindi naman tiyak kung muling isusulong ni Dela Rosa ang pagbasura sa kaso laban kay VP Duterte, ngunit inuna raw muna niyang i-mosyon ang pagtalakay sa hurisdiksyon bago ang anumang desisyon ukol sa merit ng kaso.

Samantala, una nang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring pagbotohan ng Senate impeachment court ang kapalaran ng reklamo sa pamamagitan ng simple majority vote. Ayon sa kanya, anumang mosyon na ihahain ay dadaan sa parehong proseso.

Dagdag pa ni Escudero, posible ring maibasura ang kaso batay lamang sa answer ad cautelam na isinumite ng kampo ni VP Sara Duterte.