Nangako ng suporta ang tinaguriang “Duterte Bloc” o mas kilala ngayon bilang “Duter7” para sa pananatili ni Senador Francis “Chiz” Escudero bilang Senate President sa ika-20 Kongreso.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nakapag-commit na ang grupo — na kinabibilangan nina Senators Dela Rosa, Imee Marcos, Rodante Marcoleta, Bong Go, Robinhood Padilla, Camille Villar, at Mark Villar — para suportahan ang liderato ni Escudero sa Senado.
Ayon kay Dela Rosa, nilagdaan na niya ang resolusyong iniikot para pormal na ipahayag ang kanilang suporta kay Escudero.
Nilinaw rin ng senador na walang anumang kondisyon na isinama kapalit ng kanyang suporta. Ani Dela Rosa, wala siyang hininging committee chairmanship at boluntaryo niyang ibinigay ang suporta dahil sa kanyang tiwala sa istilo ng pamumuno ni Escudero.
“Ikinalulugod ko ang pamamalakad niya sa Senado, kaya buong puso akong pumirma sa resolusyon,” ani Dela Rosa.
Samantala, kinumpirma rin ni Dela Rosa na hiningi ni Senador Rodante Marcoleta ang pamumuno sa Blue Ribbon Committee, na aniya’y ipinangako na rin sa kanya ni Escudero sa pagsisimula ng bagong Kongreso.
Gayunpaman, iginiit ng senador na ang kanilang pagsuporta kay Escudero ay walang kaugnayan sa posisyon nito kaugnay ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.