Pinaigting ng Department of Energy (DOE) ang pagsusuri sa kalagayan ng suplay ng kuryente sa mga isla at off-grid na lugar sa bansa, bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking pantay-pantay at abot-kayang access sa kuryente para sa lahat ng Pilipino.

Kamakailan ay nagsagawa ng assessment ang DOE sa Camotes Island, Cebu, matapos makatanggap ng ulat ukol sa madalas na brownout sa lugar. Ayon kay DOE Assistant Secretary Mario Marasigan, kahalintulad ito ng naging problema sa Siquijor, kulang ang kapasidad sa power generation at distribution.

Sa kasalukuyan, sinusuplayan ng Camotes Island Power Generation Corporation (CAMPCOR) ang isla gamit ang diesel generators. Subalit, hindi sapat ang single-phase distribution system ng Camotes Electric Cooperative, Inc. (CELCO), na nagdudulot ng madalas na aberya sa suplay ng kuryente.

Pinalala pa ito ng mga pagkaantala sa paghahatid ng diesel fuel lalo na sa panahon ng bagyo, dahil umaasa pa rin ang isla sa supply mula sa Cebu.

Dahil dito, nakita ng DOE ang pangangailangan para sa mas matatag at mas sustainable na mga solusyon, gaya ng hybrid renewable energy systems, solar panels na may battery storage, at iba pang energy efficiency measures.

“We have already identified the mitigated measures some of those are already being implemented,” ayon kay Marasigan. “Halimbawa, ini-improve na ang kanilang distribution lines. Dati, bihira at walang insulation ang mga wire dahil sa cost considerations. Ngayon, nagsimula na ang CELCO ng ‘three-phase program’ para mapabuti ang kanilang distribution facilities at gumagamit na rin sila ng insulated wires.”

Ayon sa DOE, hindi lamang nito layong tugunan ang kasalukuyang problema ng mga lugar tulad ng Camotes Island, kundi maging bahagi rin ito ng mas pangmatagalang solusyon sa sektor ng enerhiya, lalo na sa mga liblib at malalayong komunidad sa Pilipinas.