Naniniwala si Atty. Kristina Conti, abogado ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJKs), na malabong kilalanin ng International Criminal Court (ICC) ang resolusyong inihain sa Senado na humihiling ng house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ay tugon sa Senate resolution na inihain ni Senator Alan Peter Cayetano, na naglalayong isailalim sa house arrest si Duterte habang hinihintay ang posibleng paglilitis sa kasong crimes against humanity sa darating na Setyembre 23.
Kabilang sa mga binanggit na dahilan sa resolusyon ay ang umano’y lumalalang kalagayan ng kalusugan ni Duterte bunsod ng katandaan at matagal na social isolation na maaaring makaapekto sa kanyang pisikal at emosyonal na kalusugan.
Ngunit ayon kay Atty. Conti, walang sapat na batayan ang resolusyon dahil wala umanong pruweba si Senador Cayetano ukol sa kalusugan ng dating Pangulo. Ani Conti, walang dokumentadong medikal na ebidensiya o personal na pagbisita kay Duterte na maaring magsuporta sa naturang kahilingan.
“Walang facts. Puro hearsay. Isa itong political posturing para makakuha ng simpatiya,” pahayag ni Atty. Conti. Dagdag pa niya, hindi kikilalanin ng ICC ang resolusyon dahil ito ay tila panghihimasok sa kanilang proseso.
Ipinaliwanag din ni Atty. Conti na ang anumang kahilingan para sa pansamantalang paglaya ng dating Pangulo ay dapat idulog sa korte ng ICC sa pamamagitan ng mga abogado ng depensa at hindi sa pamamagitan ng resolusyon ng isang sangay ng pamahalaan.
Matatandaang nauna nang nagpahayag ng suporta sa house arrest si Vice President Sara Duterte, anak ng dating Pangulo, at si Senator Bong Go, na nagsabing buto’t balat na umano si Duterte habang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands.