Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Israel ang pagkamatay ng isang Filipina caregiver na si Leah Mosquera, 49 taong gulang at tubong Negros Occidental, matapos siyang tamaan ng Iranian missile na sumabog sa kanyang tinutuluyang apartment sa Rehovot, Israel noong Hunyo 15.

Ayon sa embahada, agad na naisugod si Mosquera sa Shamir Medical Center matapos magtamo ng malubhang sugat sa katawan. Ilang linggo siyang nilapatan ng lunas at sumailalim sa serye ng operasyon sa Intensive Care Unit (ICU), ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay.

Ang kanyang pagkamatay ay kinumpirma ng kanyang kapatid na si Joy, na nagtatrabaho rin bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.

Inilarawan ng embahada si Mosquera bilang isang mabait at mapagmalasakit na tao na kilala sa kanilang komunidad bilang “Ate Leah.” Nakaplano sana niyang ipagdiwang ang kanyang ika-50 kaarawan sa darating na Hulyo 29.

Sa ngayon, inihahanda na ng embahada ang lahat ng kinakailangang dokumento at proseso para sa repatriation ng kanyang mga labi pauwi sa Pilipinas. Naglalaan din ng tulong ang gobyerno para sa pamilya ni Mosquera.

Ang insidente ay bahagi ng patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran, na lumala noong Hunyo 13 matapos magsagawa ng airstrikes ang Israel laban sa Iran.

Patuloy ang panawagan ng pamahalaan sa mga OFW na maging mapagmatyag at alerto, lalo na sa mga lugar na may matinding banta sa seguridad. Kasabay nito ang panawagan para sa hustisya para kay Leah at sa iba pang biktima ng kaguluhan sa rehiyon.