Iniulat ng South Korean Defense Intelligence Agency (DIA) na patuloy ang pagpapadala ng North Korea ng mga artillery shells at iba pang armas sa Russia simula nang sumiklab ang digmaan sa Ukraine.

Ayon sa datos ng DIA, higit 28,000 containers ang naipadala ng Pyongyang na naglalaman ng artillery shells at iba pang uri ng bala. Tinatayang katumbas ito ng 12 milyong 152mm artillery rounds.

“Patuloy ang North Korea sa pagbibigay ng armas sa Russia,” pahayag ni Kang Daeshik, isang mambabatas sa South Korea. “Ang aming militar ay patuloy na nire-reassess ang lawak ng suportang militar ng North Korea sa Russia sa pakikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensya at kaalyadong bansa,” dagdag pa niya.

Sa ulat ng Bloomberg, lumalawak na umano ang saklaw ng tulong-militar ng North Korea. Bukod sa mga bala, ipinapadala na rin umano ng Pyongyang ang missiles, self-propelled guns, at iba pang kagamitan para sa combat.

Unang inihayag ni Kyrylo Budanov, pinuno ng Ukrainian military intelligence, na tinatayang 40% ng kasalukuyang pangangailangan sa ammunition ng Russia ay mula sa North Korea. Dagdag pa niya, kabilang sa ipinapadalang armas ang mga high-quality ballistic missiles at artillery systems.

Bukod sa mga kagamitang militar, nagsimula na rin umanong magpadala ang North Korea ng mga tauhang militar. Mula pa noong Oktubre 2024, tinatayang 13,000 sundalo na ang ipinadala ng Pyongyang upang suportahan ang kampanya ng Russia. Ayon sa South Korea’s spy agency, inaasahan pang madaragdagan ito ng 5,000 construction workers at 1,000 military engineers (sappers) ngayong Hulyo o sa darating na Agosto sa Kursk, Russia.

Samantala, patuloy na lumalalim ang alyansa ng Moscow at Pyongyang. Kamakailan lamang ay bumisita si Russian Foreign Minister Sergei Lavrov sa North Korea at kinumpirma ang suporta ni Kim Jong Un sa Kremlin.

Kapalit ng suporta ng North Korea, nagbibigay umano ang Russia ng pinansyal na tulong at teknolohiyang makatutulong sa rehimen ni Kim Jong Un upang mabawasan ang epekto ng internasyonal na pag-iisa.