Isang ulat mula sa Senado ng Estados Unidos ang nagsiwalat ng serye ng mga “preventable failures” o kapalpakan sa seguridad ng U.S. Secret Service na halos ikinasawi ni dating U.S. President Donald Trump sa isang campaign rally sa Butler, Pennsylvania noong Hulyo 13, 2024.
Ayon sa imbestigasyon ng Senate Homeland Security and Governmental Affairs Committee na pinamumunuan ng mga Republican, nakalusot ang suspek na si Thomas Matthew Crooks, 20 taong gulang, at nakapagpuslit sa isang bubong malapit sa lugar ng rally. Mula roon, nakapagpaputok siya ng walong bala, kung saan tinamaan si Trump sa tainga.
Bagamat nasugatan, nakaligtas si Trump at nagpakita agad ng katatagan sa publiko sa pamamagitan ng pagtayo at pagtataas ng kamao habang sumisigaw ng “Fight, fight!”
“Itinuturing naming isang himala ang kanyang pagkakaligtas,” ani Senator Rand Paul, chairman ng komite. Tinawag niyang “inexcusable” ang naging kapalpakan at iginiit na hindi sapat ang mga hakbang na isinagawa laban sa mga sangkot.
Batay sa ulat, kulang umano sa koordinasyon ang mga security agency bago pa man isagawa ang naturang rally. Anim na miyembro ng Secret Service ang sinuspinde ng hanggang 42 araw na walang bayad, ngunit ayon sa mga mambabatas, hindi ito sapat bilang parusa.
Isa sa mga itinuturong malaking pagkukulang ay ang hindi pagbibigay ng babala mula sa lokal na pulisya tungkol sa isang kahina-hinalang lalaki na may dalang rangefinder—25 minuto bago ang pamamaril. Hindi ito naiparating sa mga ahente ng Secret Service sa lugar, kabilang na sa isang counter-sniper na nagsabing hindi siya inabisuhan ng anumang banta, kaya’t hindi rin niya inaksyunan ang kahina-hinalang nakita.
Bukod kay Trump, isang lokal na bumbero ang nasawi sa insidente, habang ilan pang indibidwal ang nasugatan bago napatay si Crooks ng isang Secret Service sniper.
Patuloy ang panawagan para sa mas masusing imbestigasyon at reporma sa seguridad ng mga pampublikong opisyal sa Amerika.