Inatasan ni Pangulong Lee Jae Myung ang agarang paggamit ng “lahat ng magagamit na yaman” upang tugunan ang matinding pinsalang dulot ng walang patid na pag-ulan na kumitil ng hindi bababa sa apat na katao.

Sa isang pulong para sa pamamahala ng sakuna nitong Biyernes, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mabilis at agresibong aksyon upang mapigilan ang karagdagang pinsala. “Dapat tayong maglunsad ng sapat, o baka higit pa sa sapat na mga yaman upang maiwasan pa ang mga sakuna at aksidente,” ani Lee.

Ayon sa ulat ng Ministry of the Interior and Safety, higit sa 5,000 residente ang inilikas at kasalukuyang nanunuluyan sa mga pansamantalang evacuation centers. Isa pa rin ang nawawala habang patuloy ang mga search and rescue operations.

Patuloy ang mga babala ng matinding pag-ulan sa mga rehiyon ng kanluran at timog ng bansa, ayon sa Korean Meteorological Administration. Nagbabala rin ang ahensya sa posibleng pagguho ng lupa at biglaang pagbaha hanggang Sabado, Hulyo 19.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at sumunod sa mga kautusan ng awtoridad para sa kanilang kaligtasan.