Apektado ang tinatayang 4,229 pasahero matapos kanselahin ang ilang mga biyahe sa himpapawid ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 18, bunsod ng masamang lagay ng panahon na dulot ng bagyong Crising.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kabuuang 18 domestic flights ang kinansela habang dalawang biyahe naman ang na-divert kahapon, Hulyo 17, upang maiwasan ang peligro dulot ng sama ng panahon.
Batay sa pinakabagong advisory ng CAAP, kanselado ngayong araw ang ilang domestic flights ng iba’t ibang airline companies. Kabilang dito ang mga biyahe ng Cebu Pacific patungong at paalis ng Manila – San Jose, Manila – Virac, Manila – Tuguegarao, at Manila – Cauayan.
Sa PAL Express naman, apektado rin ang flights mula Busuanga – Manila, Manila – Cauayan, Manila – Basco (Batanes), at Clark – Basco.
Kinansela rin ng Cebgo ang mga biyaheng Cebu – Masbate at Manila – Naga.
Bukod sa mga kanselasyon, iniulat din ng CAAP na may mga flights na na-divert, kabilang ang biyahe mula Manila patungong Busuanga na kinailangang bumalik sa Maynila dahil sa hindi ligtas na kondisyon ng panahon.
Pinapayuhan ng CAAP ang mga apektadong pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airline companies para sa rebooking ng flight o refund ng kanilang ticket.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad na mag-ingat at sundin ang mga abiso para sa kaligtasan ng lahat.