Sumampa na sa apat (4) ang bilang ng mga nasawi sa nagpapatuloy na pagbuhos ng ulan sa South Korea na nagdulot ng matinding pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, dalawang karagdagang pagkasawi ang naitala, bukod pa sa naunang dalawang naiulat. Isa naman ang patuloy na pinaghahanap matapos tangayin ng rumaragasang agos ng ilog sa Gwangju, sa timog-kanlurang bahagi ng bansa.

Karamihan sa mga nasawi ay naiulat sa lungsod ng Seosan, na matatagpuan sa South Chungcheong province.

Dahil sa pagbaha, kabuuang 5,192 residente mula sa 13 lungsod at lalawigan ang sapilitang inilikas sa ligtas na lugar. Samantala, nasa 496 pampublikong ari-arian at 276 na pribadong gusali at kabahayan ang napinsala.

Naapektuhan din ang operasyon ng mga ferry service sa ilang lugar, dulot ng walang tigil at malalakas na pag-ulan.

Nitong Huwebes, itinaas na ng gobyerno ng South Korea ang kanilang disaster alert sa pinakamataas na antas na “serious,” upang mas mabilis na maipagkaloob ang kinakailangang tulong at tugon sa lumalawak na pinsala ng kalamidad.

Batay sa tala ng Korean Meteorological Administration, umabot sa 114.9 millimeters (katumbas ng 4.5 inches) ng ulan ang bumuhos sa loob lamang ng isang oras ang pinakamataas na naitalang volume ng ulan sa bansa simula pa noong taong 1968.

Patuloy ang babala ng mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso habang nagpapatuloy pa ang sama ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.