Apat na katao ang naiulat na nasawi habang higit tatlong iba pa ang sugatan sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising at pag-iral ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao habang isa naman ay nagmula sa Davao Region. Lahat ng naiulat na nasugatan ay nagmula sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN.

Samantala, tatlong katao ang naiulat na nawawala sa Western Visayas. Patuloy pang bineberipika ng NDRRMC ang mga nasabing ulat.

Batay sa pinakahuling datos ng ahensya, umabot na sa 132,835 pamilya o katumbas ng 420,355 indibidwal ang apektado ng kalamidad. Sa bilang na ito, nasa 6,720 pamilya o 22,623 indibidwal ang kasalukuyang nasa mga evacuation center, habang 5,287 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa labas ng mga evacuation center.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagama’t nakalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Crising, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dulot ng Habagat.