Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi inaasahang tataas ang retail price ng bigas sa kabila ng P1.12 bilyong pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng mga bagyong Crising, Dante, Emong, at ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa DA, hindi malaki ang nasira sa sektor ng palay at sapat pa rin ang kasalukuyang rice stocks ng bansa. Karamihan umano sa mga tanim ay nasa early vegetative stage at bahagyang nasira lamang, kaya’t mas madali itong makarekober.

Batay sa ulat ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, umabot sa 26,566 metric tons ang kabuuang production loss, na nakaapekto sa 45,408 na magsasaka at mangingisda sa 43,741 ektarya ng mga taniman sa iba’t ibang rehiyon.

Pinakamalaking epekto ay nasa sektor ng bigas na may halagang P664.36 milyon na naitalang pinsala. Sumunod ang isda sa halagang P202.35 milyon, high-value crops sa P162.16 milyon, mais sa P55.70 milyon, livestock at poultry sa P8.37 milyon, at cassava sa P1.98 milyon.

Tuloy-tuloy ang pagmomonitor ng ahensya upang masigurong sapat ang suplay at hindi maapektuhan ang presyo ng mga pangunahing pagkain