Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) Region 6 na umabot na sa 88 paaralan sa Western Visayas ang naapektuhan ng pagbaha na dulot ng Habagat at magkakasunod na bagyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DepEd-6 spokesperson Hernani Escullar Jr., sinabi niyang base sa kanilang monitoring, kabilang sa mga naapektuhan ang 2 paaralan sa Aklan, 13 sa Antique, 1 sa Guimaras, 56 sa Iloilo Province, at 16 sa Iloilo City.
Naitala rin na may 659 silid-aralan ang naapektuhan ng pagbaha; 7 sa Aklan, 346 sa Antique, 7 sa Guimaras, 201 sa Iloilo Province, at 98 sa Iloilo City.
Ayon kay Escullar, karamihan sa mga silid-aralan ay nagtamo lamang ng minor damage at posible pang maisaayos at maaaring humingi ng karagdagang pondo ang mga paaralan kung kinakailangan para sa pag-aayos.
Tiniyak naman ng DepEd na ligtas na mabalikan ang mga paaralan sa mga lugar na naapektuhan, kaya’t inaasahang makakabalik na sa klase ang mga estudyante sa mga susunod na araw.