Isinailalim na sa State of Calamity ang buong Iloilo City matapos aprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang rekomendasyon ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at ni Mayor Raisa Treñas, dahil sa matinding epekto ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong.

Batay sa datos mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), may kabuuang 240,304 na populasyon ang exposed base sa 2024 Philippine Statistics Authority data. Sa forecast, 38,062 ang posibleng maapektuhan (katumbas ng 15%). Subalit, sa situation report nitong Hulyo 28, umakyat na sa 56,881 ang bilang ng mga naapektuhan , 44,723 dahil sa matinding pagbaha, at 12,158 naman dahil sa storm surge.

Ang nasabing bilang ay pasok sa batayan ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, na nagpapahintulot sa deklarasyon ng State of Calamity kapag may malaking pinsala sa kabuhayan, imprastruktura, trabaho, at mobilidad ng mga residente.

𝐐𝐮𝐢𝐜𝐤 𝐑𝐞𝐬𝐩𝐨𝐧𝐬𝐞 𝐅𝐮𝐧𝐝: 𝐏𝟐𝟏.𝟓 𝐦𝐢𝐥𝐲𝐨𝐧
Kasabay ng deklarasyon, inaprubahan na rin ang paggamit ng P21.5 milyon mula sa Quick Response Fund upang agarang matugunan ang mga epekto ng habagat na pinalakas ng tatlong sunod-sunod na bagyo.

Narito ang breakdown ng pondo:

P20 milyon – Para sa site development ng mga relocation areas sa Brgy. West Haboghabog at San Juan, Molo

P1.4 milyon – Para sa food assistance sa mga pamilyang naapektuhan

P100,000 – Para sa procurement ng vegetable seeds bilang suporta sa urban gardening at food security

Sa panig ng lokal na pamahalaan, tiniyak nila ang patuloy na koordinasyon sa mga barangay upang masiguro ang mabilis na pagbibigay ng tulong sa mga residente.

Reported by: Bombo Hanna Mendoza Andasa /via Bombohanay sa Udto