Nagpahayag ng suporta ang MORE Power sa mga bagong hakbang ng administrasyong Marcos, lalo na sa renewable energy push ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang pagpapalawak ng Lifeline Rate coverage at pagpapabilis ng Net Metering program upang tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente at epekto ng climate change.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), inilahad ni Pangulong Marcos ang layunin na makabitan ng solar home systems ang isang milyong kabahayan bago matapos ang taong 2028. Kasabay nito, ipinahayag niya na paiigtingin ng Department of Energy (DOE) ang pagpapatupad ng Net Metering program upang mas mapakinabangan ng mga benepisyaryo ang sobrang enerhiya na kanilang nalilikha.
Ipinahayag din ng Pangulo na palalawakin ang saklaw ng Lifeline Rate. Bukod sa mga kasalukuyang miyembro ng 4Ps, isasama na rin sa mga makikinabang ang mga pamilyang may mababang kita at may buwanang konsumo na hindi lalampas sa itinakdang threshold.
Sa Iloilo City, isa sa mga unang nagpatupad ng Net Metering system ay ang Iloilo City Hall, na may 60-kilowatt system application noong 2024. Ayon sa MORE Power, kasalukuyan itong may 491 net metering consumers at 34 aplikasyon pa ang nasa proseso. Noong Hunyo 2025 lamang, umabot sa 237,780 kWh ang enerhiyang nalikha sa ilalim ng Net Metering program.
Nagpahayag si MORE Power President at CEO Roel Castro ng buong suporta sa direksyong itinatakda ng Pangulo para sa energy sector. Aniya, tumutugma ang adbokasiya ng kumpanya sa mga layunin ng administrasyon, partikular sa pagbibigay ng abot-kayang kuryente at pagsuporta sa marginalized sector.
Ibinahagi rin ng kumpanya na mayroon itong 5,610 kasalukuyang lifeline beneficiaries at inaasahang tataas pa ang bilang sa pagpapalawak ng coverage.
Ayon kay Castro, ang implementasyon ng Net Metering at Lifeline Rate ay isang kongkretong hakbang upang matamo ang makatarungan at sustenableng access sa enerhiya, at hinihikayat nito ang aktibong partisipasyon ng mga konsyumer.
Dagdag pa niya, patuloy ang MORE Power sa pamumuhunan sa makabago at advanced na teknolohiya upang mapabuti ang serbisyo, palakasin ang efficiency, at masigurong maaasahan ang power distribution sa mga komunidad.