Sa isang pangyayaring puno ng pag-aalala ay napalitan ng liwanag at pag-asa, isang 66-anyos na babae ang sumailalim sa isang makabagong pamamaraan upang mailigtas ang kanyang puso. Ang mga monitor ay maingat na nagbabantay sa kanyang tibok, habang ang mga doktor ay nakatutok sa kanilang misyon, isang misyon na hindi lamang para sa pasyente, kundi para sa kasaysayan ng rehiyon.
Noong Hulyo 23, naisagawa sa The Medical City Iloilo ang kauna-unahang Intravascular Lithotripsy (IVL) sa buong Western Visayas, isang hakbang na muling nagpatunay sa kakayahan ng rehiyon na manguna sa makabagong medisina. Isang linggo lamang ang nakalipas mula nang isinagawa sa rehiyon ang una ring ‘awake brain surgery’, isang pambihirang tagumpay na kinilala sa buong bansa.
Ang IVL ay isang advanced, minimally invasive na procedure na gumagamit ng sound wave pulses upang durugin ang mga calcium buildup sa coronary arteries. Sa tulong nito, mas nagiging ligtas at epektibo ang paglalagay ng stent, at naiiwasan ang mas delikadong open-heart surgery, lalo na para sa mga pasyenteng may mataas na panganib.
Ang procedure ay isinagawa sa isang pasyente na may hypertension at family history ng coronary artery disease na natuklasang may malalang pagbabara ito sa tatlong coronary arteries, kabilang na ang critical na pagkipot sa left main coronary artery, isang kondisyon na karaniwang ginagamot sa pamamagitan ng bypass surgery.
Pinangunahan ng mga interventional cardiologists na sina Dr. Kristy Garganera-Tugbang ng Iloilo at Dr. James Diaz ng Ortigas ang operasyon, kasama si Dr. Felix Ruzen Fandinola (anesthesiologist) at ang buong team ng Cardiac Catheterization Laboratory.
Sa panayam kay Dr. Kristy Garganera-Tugbang, sa programang Doctor Bombo ni Bombo Hannah Andasa, ibinahagi niyang imbes sa open-heart surgery, ay ginamit nila ang kombinasyon ng Percutaneous Coronary Intervention (PCI), Intravascular Ultrasound (IVUS), at IVL upang ligtas na maibsan ang kondisyon ng pasyente.
Sa loob lamang ng isang linggo, dalawang makasaysayang operasyon ang naisagawa sa Western Visayas; una sa utak, at ngayon, sa puso. Dalawang patunay na ang rehiyon ay hindi na kailangang tingnan bilang alternatibo sa pambansang antas ng serbisyong medikal. Ito ay isa nang pangunahing haligi ng makabagong pangangalagang pangkalusugan.
Ang pagkakaroon ng mga teknolohiyang tulad ng IVL at IVUS sa rehiyon ay nagdadala ng konkretong benepisyo: mas mabilis ang paggaling, mas kaunti ang komplikasyon, at mas malapit sa mga tahanan ang lunas na dati ay kailangang hanapin sa malalayong lungsod.
Hindi lamang ito kwento ng isang pasyente, kundi kwento ng isang rehiyon na patuloy na tumitibok sa harap ng hamon. Ang Western Visayas ay patuloy na humahakbang, hindi palayo, kundi papalapit sa pangarap na dekalidad at abot-kayang gamutan para sa lahat.
Habang unti-unting naipupunla ang mga makabagong teknolohiya at kaalaman sa mga ospital sa rehiyon, kasabay rin nitong umuusbong ang panibagong mukha ng pag-asa, isang pag-asang may ngiti, may tibok, at may kinabukasan.