Mariing itinanggi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga kumakalat na alegasyong siya ay disqualified sa kanyang aplikasyon bilang susunod na Ombudsman ng bansa.
Ito’y kasunod ng mga ulat sa social media na nagsasabing diniskwalipika umano ng Judicial and Bar Council (JBC) si Remulla bunsod ng umano’y pending na kaso sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay Remulla, hindi totoo ang naturang balita at iginiit niyang hindi “accurate” ang kumakalat na impormasyon online. “Walang basehan ang sinasabing diskwalipikasyon. Hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang aking aplikasyon,” pahayag ni Remulla.
Matatandaang sinampahan ng reklamo si Remulla at ilang iba pa ni Senadora Imee Marcos dahil sa diumano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions, at Grave Misconduct kaugnay ng naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kabila nito, iginiit ng kalihim na hindi siya uurong sa kanyang hangaring maging Ombudsman. “Ito ay isang mahalagang posisyon sa paglilingkod-bayan, at nararapat lamang na dumaan ito sa tamang proseso,” aniya.
Samantala, nilinaw na rin ng Korte Suprema na hindi pa pinal ang opisyal na listahan ng mga aplikante para sa posisyon, taliwas sa mga kumakalat na balita. Kasalukuyang binubusisi pa ng JBC ang mga aplikasyong isinumite.
Ang posisyon ng Ombudsman ay nabakante matapos ang pagreretiro ni dating Ombudsman Samuel Martires. Kapag napili si Remulla, kinakailangan niyang iwanan ang kanyang kasalukuyang puwesto bilang kalihim ng DOJ.














