Inanunsyo ni US President Donald Trump na magkikita sila ni Russian President Vladimir Putin ng Russia sa darating na Biyernes, Agosto 15, 2025 sa Alaska para talakayin ang mga usaping pangkapayapaan.

Ayon kay Trump, ang pagpupulong ay bahagi ng pagsisikap na maabot ang tigil-putukan sa pagitan ng Russia at Ukraine, na may deadline na itinakda noong Agosto 8 para pumayag si Putin sa ceasefire o harapin ang posibleng parusang pang-ekonomiya.

Bagama’t hindi nilinaw ni Trump kung ipatutupad ang mga parusang ito, sinabi niyang nakadepende ito kay Putin.

Kasabay nito, sinabi niya na bibigyan ng lahat ng kailangan si Pangulong Zelenskyy ng Ukraine upang makamit ang kapayapaan.

Pahayag naman ni Zelenskyy na handa silang makipagtulungan para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan, ngunit dapat maintindihan ng lahat kung ano ang nararapat na kapayapaan.

Patuloy ang pag-igting ng tensyon sa pagitan ng U.S. at Russia, kasabay ng mga hakbang ni Trump tulad ng paggalaw ng mga nuclear submarines at pagtaas ng taripa sa langis mula India na nagmula sa Russia.