Ipinanawagan ng Commission on Elections ang isang kumpletong overhaul ng Omnibus Election Code na ipinasa pa noong 1985.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, hindi na sapat ang mga lumang probisyon upang tumugon sa makabagong panahon ng halalan, kaya’t kailangan ng mas malawak na reporma mula sa voter registration, paghahain ng kandidatura, disqualification, hanggang sa cancellation ng candidacy.

Kabilang sa mga panukala ng Comelec ang pag-criminalize ng nuisance candidacies, paghihigpit sa candidate substitution, pagbabawal sa premature campaigning matapos ang paghahain ng COC, at pag-update sa campaign spending limits.

Nakasaad din sa panukala ang pagbabago sa party-list rules, pagbibigay-suporta sa underrepresented groups, at pagpapatupad ng anti-political dynasty provision ng Saligang Batas.

Noong 2023, nakumpleto ng Comelec ang 964-page draft ng mga reporma para sa Batas Pambansa Blg. 881.