Binawi ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kahilingan sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na alisin si Prosecutor Karim Khan sa paghawak ng kaso laban sa dating pinuno ng Pilipinas.

Batay sa dokumentong may petsang Agosto 15, 2025, sinabi ni Nicholas Kaufman, lead counsel ni Duterte, na wala umanong malinaw na dahilan upang pagdudahan ang pagiging patas ni Khan, o ang kanyang pahayag na hindi siya conflicted sa nasabing usapin, sa kabila ng nauna niyang pagrepresenta sa ilang dating kliyente na may kaugnayan sa kasong isinampa laban kay Duterte.

Dagdag pa sa dokumento, sinabi ni Kaufman na hindi na hahadlangan ng depensa ang maayos na daloy ng mga proseso sa korte sa pamamagitan ng muling paggiit sa diskwalipikasyon ng Prosecutor.

Una nang iginiit ng kampo ni Duterte na posibleng may conflict of interest si Khan dahil sa kanyang naging papel bilang abogado ng ilang umano’y biktima ng war on drugs noong administrasyon ni Duterte.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Khan na wala siyang nakikitang anumang batayan upang tanggalin siya sa kaso, at nilinaw niyang agad niyang inabisuhan ang abogado ng depensa ukol sa kanyang dating papel, bilang bahagi ng kanyang tungkulin na maging bukas sa Pre-Trial Chamber kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa sitwasyon.

Noong Marso 11, inaresto si Duterte sa Pilipinas dahil sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalauna’y naging Pangulo ng bansa.

Si Duterte, na ngayon ay 80 taong gulang, ay kasalukuyang nakakulong sa Scheveningen Prison sa The Hague, The Netherlands.

Ayon sa opisyal na tala ng gobyerno, mahigit 6,000 ang napatay sa mga police operations sa ilalim ng war on drugs. Ngunit batay sa pagtataya ng mga human rights organizations, maaaring umabot sa 30,000 ang aktwal na bilang ng mga napatay, kabilang ang mga hindi naiulat na insidente.