(Paalala, may paksa tungkol sa depresyon.)

Naglabas ng damdamin ang aktres na si Claudine Barretto matapos maospital dahil sa depresyon, kasabay ng panawagang unawain ang mga taong dumaranas nito.

Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Claudine ang ilang larawan habang nasa ospital, kalakip ang pahayag na ang kaniyang kalagayan ay patunay na ang depresyon ay hindi basta-basta nakikita sa panlabas na anyo. Nanawagan siyang huwag agad husgahan ang may pinagdaraanan, at iginiit ang pangangailangan ng mas malawak na pag-unawa at malasakit.

Nagpaabot naman ng suporta ang ilang personalidad gaya nina Vilma Santos at Vina Morales. Ayon sa kanila, naroon sila upang ipadama ang pagmamahal at panalangin para sa aktres.

Ang depresyon ay isang malubhang kondisyon sa kalusugan ng isip na may malalim na epekto sa pag-iisip, emosyon, at kilos ng isang indibidwal. Maaari itong magdulot ng matinding lungkot at mawalan ng gana o interes sa mga bagay na dati’y nagbibigay saya o kasiyahan sa kaniya.

Kung ikaw o may kilala kang nangangailangan ng makakausap, maaaring tumawag sa crisis hotline ng Philippine National Center for Mental Health sa mga numerong 0917-899-8726 para sa Globe o TM, 0908-639-2672 para sa Smart, Sun, o TNT, o 1553 na maaaring tawagan ng libre saan mang panig ng bansa.