Sa muling pagbubukas ng klase ngayong taon sa Ukraine, hindi silid-aralan kundi mga underground school ang pinasok ng libu-libong bata, kabilang ang mga nasa lungsod ng Kharkiv, upang makapag-aral sa gitna ng patuloy na banta ng digmaan.

Nasa labingpitong libong batang Ukrainian ang nagsimula ng klase sa mga eskwelahang itinayo sa ilalim ng lupa sa Kharkiv, ang pangalawa sa pinakamalaking lungsod ng Ukraine at madalas target ng Russian attacks.

Ayon sa lokal na pamahalaan, pito na ang gumaganang underground school at inaasahang madaragdagan pa ito. Ilan sa mga paaralang ito ay matatagpuan sa Northern Saltivka, malapit sa border ng Russia.

Isang magulang, si Anastasia Pochergina, ang nagbahagi na hindi nila inaasahang magiging posible ang physical classes ngayong taon, ngunit labis umano ang kanyang kagustuhan na makaranas ng normal na pag-aaral ang kanyang anak.

Tatlong palapag ang lalim ng eskwelahan na kanilang pinasukan, at sinabing ito ang pinakamalalim sa buong Kharkiv.

Dagdag pa ng alkalde ng lungsod na si Ihor Terekhov, anim na istasyon ng metro train ang ginawang mga silid-aralan, upang mabigyan ng kahit kaunting normal na karanasan ang mga bata sa gitna ng digmaan.

Isa sa mga estudyanteng si Maria Yampolska, anim na taong gulang, ay masayang ibinahagi ang kanyang unang karanasan sa pagguhit at paglalaro sa loob ng silid-aralan. Hindi raw siya nakapasok ng kindergarten; dahil sa giyera.