Nagsampa ng kasong kriminal ang Department of Education laban sa pitong pribadong paaralan na umano’y sangkot sa anomalya sa senior high school voucher program, kung saan halos 70 milyong piso ang nawawala dahil sa tinatawag na mga “ghost beneficiaries.”

Ipinahayag ni Education Secretary Sonny Angara sa budget briefing ng kagawaran sa House Committee on Appropriations na nasa tanggapan na ng piskalya ang mga reklamo laban sa mga paaralang sangkot.

Pahayag ni Angara, umabot sa P61.9 milyon ang kabuuang halagang kinasasangkutan ng mga kasong isinampa, at may mga demand letter na rin umanong ipinadala.

Ang “ghost” students ay tumutukoy sa mga learner na binigyan ng voucher para makapag-aral sa mga pribadong paaralan, ngunit lumalabas na hindi kwalipikado o hindi naman talaga umiiral.

Dagdag pa ni Angara, may mga kasalukuyang imbestigasyon pa ang legal department ng kagawaran ukol sa iba pang paaralan na pinaniniwalaang may kahalintulad na kaso.

Matatandaang sa isang pagdinig sa Senado noong nakaraang taon, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na may higit 19,000 “ghost students” na nakikinabang sa voucher program, batay sa ulat ng Commission on Audit noong 2016 at 2018.