Ipinahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na kanilang rerepasuhin ang proposed budget upang matukoy kung may kahina-hinalang flood control projects o iba pang anomalya sa dokumento.
May mga napaulat na proyekto na tapos na pero nananatiling bahagi ng panukala. Mayroon ding mga proyektong may parehong halaga at hindi tugma ang mga deskripsyon.
Aminado si Dizon na hindi nila agad masusuri ang lahat ng nilalaman ng 700-pahinang dokumento ngunit uunahin nila ang mga proyektong binanggit ng mga mambabatas. Target umano nilang suriin ang pinakamarami sa abot ng kanilang makakaya.
Samantala, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na matapos ang pagsusuri ay muling isusumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang binagong budget sa Kongreso. Bagamat hindi tiyak kung bababa ang kabuuang halaga, inaasahang magkakaroon ng pagbabago sa alokasyon.
Paliwanag ni Pangandaman, mas mainam ang proseso ng muling pagsusumite ng listahan ng proyekto kumpara sa mungkahi ng ilang mambabatas na ibalik sa DPWH ang buong panukalang budget. Aniya, ito ay hindi pa kailanman nangyari at magiging komplikado kung gagawin.
Dagdag pa niya, magpapatupad din ang DBM ng reporma sa pagtanggap at pagsusuri ng budget proposals gamit ang makabagong teknolohiya. Hinikayat din niya ang DPWH na tiyakin na maayos ang internal planning at identification ng kanilang mga proyekto.
Ang malawakang pagsusuri ng budget ay ipinatupad matapos utusan ni Pangulong Marcos ang DBM at DPWH na muling balikan ang 2026 budget kasunod ng mga katanungan ng ilang mambabatas ukol sa ilang flood control projects na pinaghihinalaang hindi regular.