Sa panibagong hakbang kontra sa labis na paggamit ng immigration program, nilagdaan ni US President Donald Trump ang isang executive action na nagtatakda ng $100,000 application fee para sa H-1B visas.
Ayon sa paliwanag mula sa Oval Office, sinabi ng administrasyon na layunin ng patakaran na hikayatin ang mga kumpanya na mas bigyang-prayoridad ang American workers habang nananatiling bukas ang posibilidad sa pagkuha ng highly skilled foreign workers.
Ipinaliwanag din na hindi papayagang makapasok sa ilalim ng programa ang mga aplikante kung hindi mababayaran ang itinakdang halaga.
Bukod dito, ipinag-utos din ni Trump ang pagbubuo ng tinatawag na “gold card” pathway, na magpapabilis sa pagkuha ng visa kapalit ng $1 milyon mula sa isang aplikante o $2 milyon mula sa isang kumpanyang nais magsponsor ng foreign worker.
Ayon kay Commerce Secretary Howard Lutnick, pinag-uusapan pa kung sisingilin ang $300,000 nang buo o hati-hati sa $100,000 kada taon sa loob ng tatlong taon.
Ang H-1B visa ay tatlong taon ang bisa at maaaring i-renew ng karagdagang tatlong taon.
Taun-taon, 65,000 slots ang ibinibigay, bukod pa sa 20,000 para sa mga may advanced degrees mula sa mga unibersidad sa US.
Mga eksperto ang nagsasabing nakakatulong ang programang ito para manatiling kompetitibo ang mga kompanya at makalikha ng mas maraming trabaho sa Amerika.