Inirekomenda ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng kaso laban sa 21 katao na umano’y sangkot sa flood control scandal at maanomalyang government infrastructure projects, ayon sa Department of Justice nitong Biyernes.

Kabilang sa mga pangalan sina Senators Francis Escudero, Joel Villanueva at Jinggoy Estrada; Ako Bicol Rep. Zaldy Co; dating Sen. Bong Revilla; at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy.

Kasama rin ang ilang matataas na opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways Bulacan District Engineering Office, pati na rin mga contractor na umano’y nakinabang sa substandard at ghost projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

Batay sa ulat, ang mga reklamong isasampa ay paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, indirect bribery, at malversation of public funds.

Lahat ng kasong ito ay may piyansa, maliban kung lagpas sa P8.8 milyon ang malversation na kinasasangkutan.

Binanggit ng DOJ na ang rekomendasyon ng NBI ay nakabatay sa mga testimonya sa ilalim ng panunumpa ng ilang dating opisyal ng DPWH.

Nilinaw rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa case buildup pa lamang ang proseso bago dumaan sa preliminary investigation at posibleng maisampa sa korte.

Samantala, anim sa mga nasa listahan ay dati nang may kaso sa Office of the Ombudsman, habang ang iba ay nasangkot din sa mga alegasyon ng money laundering at paggamit ng pondo sa casino.

Giit ng DOJ, wala umanong “above the law,” at kapag kinakailangan, maglalabas sila ng freeze order, lookout bulletin, o karagdagang kaso laban sa mga sangkot sa flood control scandal.