
Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Jessica ang ilang larawan at alaala mula sa kanyang naging paglalakbay simula nang una siyang sumali sa kompetisyon sa edad na 10.
Ayon sa kanya, ang kanyang tagumpay ay hindi lamang bunga ng isang gabi o isang performance, kundi ng mahigit dalawang dekadang pagsisikap na kinapalooban ng auditions, rejections, at mga sandaling pinanghinaan ng loob.
Aniya, patunay ang kanyang karanasan na “dreams delayed are not dreams denied,” at na ang lahat ay nakabatay sa tamang oras ng Diyos.
Nagpasalamat si Jessica sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at lahat ng sumuporta sa kanya, sabay bigyang-diin na ang kanyang panalo ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa lahat ng patuloy na lumalaban sa kabila ng mga pagsubok.
Bago niya tinapos ang kanyang mensahe, nagbigay din siya ng espesyal na pagbati para sa anak na si Eliana Mae: “Mama did it. We did it.”
Si Jessica ay unang nakilala sa “AGT” nang makarating siya sa semifinals sa edad na 10. Mas sumikat siya bilang runner-up sa “American Idol” Season 11.
Bumalik siya sa “AGT” noong Hulyo kung saan kinanta niya ang “Beautiful Things” ni Benson Boone at nakakuha ng golden buzzer mula kay Sofia Vergara.
Sa finale episode, tinanghal niya ang makapangyarihang bersyon ng kantang “Golden Hour” ni JVKE na nagbigay-daan sa kanyang kampeonato.