Hindi ikinatuwa ng Department of Justice ang ginawang “heart sign” at pahayag ng kontrobersyal na contractor na si Cezarah “Sarah” Discaya sa kanyang pagharap sa ahensya, na anila’y maaaring makaapekto sa pagsusuri sa kanyang aplikasyon bilang state witness.
Ayon kay DOJ spokesperson Jose Dominic Clavano IV, isinama sa assessment ang kilos at pahayag ni Discaya, na itinuturing ng ahensya bilang palatandaan ng kawalan ng sinseridad at pagiging kampante.
Nanawagan din siya sa lahat ng persons of interest na kumilos nang naaayon.
Kabilang ang mag-asawang Discaya sa 15 contractor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng 404 flood control projects na nagkakahalaga ng P30 bilyon sa loob lamang ng tatlong taon. Dumalo sila sa DOJ case buildup laban sa mga personalidad na umano’y sangkot sa anomalya.
Habang papasok sa DOJ, hindi agad sinagot ni Sarah ang tanong ng media ngunit kalaunan ay humarap sa kamera at nagpakita ng “finger heart” gesture na pamoso sa Korean pop culture.
Samantala, dumating naman si Pacifico “Curlee” Discaya II na naka-bulletproof vest at may kasamang seguridad.
Sa mga pagdinig sa Kongreso, nag-alok ang mag-asawa na maging state witnesses at nagbanggit ng ilang mambabatas at opisyal ng Department of Public Works and Highways na umano’y humihingi ng hanggang 25% kickback sa mga proyekto.
Sa kasalukuyan, ang mga Discaya ay nasa ilalim ng provisional Witness Protection Program ng DOJ habang hinihintay ang desisyon kung sila ay kikilalaning state witness na magpapawalang-sala sa kanila sa kasong kriminal at sibil.
Kasama rin sa mga binigyan ng proteksiyon sina dating DPWH engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza at Undersecretary Roberto Bernardo.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla may ilan sa kanila na nagpapakita ng good faith at naglalabas ng dokumento bilang patunay sa kanilang testimonya.