Target ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 6 na mapalakas ang kaalaman ng publiko at ng mga lokal na sektor sa kaligtasan ng karne sa nakatakdang pagdiriwang ng 32nd Meat Safety Consciousness Week mula Oktubre 13 hanggang Oktubre 17, kasabay ng kanilang ika-53 anibersaryo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. April Chavez, kinumpirma niya na ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Karneng Ligtas at Sapat, tungkulin nating lahat tungo sa masaganang Bagong Pilipinas.”
Ayon sa kanya, nakatuon ito sa pagpapalakas ng sektor ng karne sa buong value chain, mula sa katayan hanggang sa hapag-kainan, kasama ang mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang.
Binanggit ni Chavez na pangunahing misyon ng ahensya ang pangangalaga sa kaligtasan ng konsumer na Pilipino sa pamamagitan ng pagtitiyak na malinis at ligtas ang karne na ibinebenta sa pamilihan.
Gayunman, inamin din niyang nananatiling hamon ang pagpapabuti ng mga pasilidad sa katayan. Sa kasalukuyan, dalawang lisensyadong slaughterhouse lamang ang mayroon sa Region 6, subalit may nakalatag nang plano na madagdagan pa ito sa tulong ng Department of Agriculture.
Ipinaliwanag din niya na ang NMIS ang may responsibilidad sa paglilisensya at pagkilala sa mga slaughterhouse na nakapasa sa pamantayan ng meat safety and quality, at ito ay ikinoklasipika bilang Class A, Double A, o Triple A.
Dagdag pa ni Chavez, mahalaga ang patuloy na partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan upang masiguro na ang sektor ng karne ay nananatiling ligtas, sapat, at maayos para sa lahat ng mamimili.
(Interviewed By Bombo Donnie Degala/ Bombohanay Bigtime)